Naniniwala ka ba sa kulam, barang, gayuma at iba pang gawain na ginagamitan ng kapangyarihang itim? Kung naniniwala ka sa mga ito, malamang ay isa ang palipad hangin sa mga narinig mo na kaugnay nito. Ang palipad hangin ay ginagawa ng may alam dito upang lituhin at baliwin ang isang tao na kanyang inoorasyunan. Ang tao na nagtataglay ng kaaalaman tungkol dito ay may kakayahan na udyukan ang kanyang biktima ayon sa kanyang mga dikta. Dahil nagagawa nitong basahin at pasukin ang isipan ng biktima, ang biktima ay nagkakaroon ng pagkalito sa kanyang isip. Maririnig niya ang mga bulong na bagamat hindi niya naiintindihan ay lalabas sa kanyang bibig ang mga katagang tila inuutos nitong sabihin.
Dahil dito ay aakto siya na parang nababaliw. Nagkakaroon siya ng mga gawi na hindi gawain ng isang tao na nasa normal na pag-iisip. Sa oras na hindi masunod ng biktima ang nais mangyari ng nagpapalipad hangin sa kanya, siya ay makararanas ng labis na paghihirap ng kalooban at katawan na tila pinaparusahan. May mga pagkakataon pa na siya ay matutulala at may pagkakataon din na siya ay magiging madaldal na nagsasalita ng walang kawawaan.
Bilang pangontra ay may mga oracion na binibigkas para rito. Kung minsan ang oracion ay binibigkas sa harap ng isang malinis na tubig at ito ang siyang ipapainom sa biktima. Sa oras na siya ay dumighay, kailangang ang kanyang dighay ay masalo ng telang puti upang ang masamang hangin na pumasok sa kanya ay maikulong dito at saka ito ay huhughugan sa isang buhay na tubig na nabasbasan ng holy water. Ang mga orasyon na binibigkas dito ay matatagpuan sa mga aklat ng orasyon.
Upang hindi mabiktima ng palipad hangin, ugaliing magdasal ng madalas. Sikapin na gumawa ng mabuti sa kapwa. Huwag paghahariin ang mga hindi magandang pag-uugali gaya ng inggit, panghuhusga at pagiging negatibo. Maaari ring gumamit ng mga lucky charms na nagtataglay din ng pangontra sa mga karunungang itim. - RODEL
Comentários