Bukod sa pagkahilig ko sa extra rice, isa pang katangian ko ay ang pagkamadaling maniwala sa mga out of this world o mga nasa ibang dimension na mga nilalang.
Dahil nakaranas na ako nito nung ako ay 2nd year high school pa lamang.
Totoong pangyayare ito na-experience ko at ng dalawa kong kaklaseng babae.
Gabi ng Miyerkules nang natapos namin ang group project na ipapasa namin kinabukasan sa asignaturang Biology (Science and Health). Inabot na kami ng ala-una ng madaling araw sa bahay ni "Jeng" isa sa pinakamayamang kaklase namin that time, dahil anak sya ng isang negosyante at may pinakasikat na Resort dito sa bayang ng Pangil, Laguna.
Kami ay nag kwentuhan at nag snack pa bago maghiwa-hiwalay kasama ang isa pa naming kaklase na si "Arnie Rose" ang top 1 ng klase at anak ng mag asawang OFW.
Dahil sa iisa lang sila ng barangay na kinabibilangan, Barangay Natividad, Pangil, Laguna ay napagkasunduan nilang ihatid ako sa sakayan ng traysikel dahil ako ay sa susunod pang barangay uuwi, ang barangay Sulib.
Sa aming paglalakad ay may dala kaming dalawang (2) payong, gamit ko ang isa at sila naman ay nagsukob sa iisang payong dahil tikatik ang ulan o umaambon.
Busy kami sa kwentuhan, masaya kaming naglalakad patungong paradahan ng traysikel, ngunit sa kasamaang palad ay wala ng nakapila roon kaya nagpasya ang dalawa na ihatid ako sa bungad ng aming barangay. (Habang sinusulat ko ito ay tumatayo ang mga balahibo ko at naaalala ko naman ang mga nangyare.. balik tayo sa kwento.)
Wala nakong nagawa kundi pumayag sa suhestyon ng dalawa na ihatid ako sa bungad ng aming barangay. Lakad. Kwentuhan. Halakhakan. Ganun na lamang ang aming mga ginagawa hanggang makarating kami sa isa sa nakakatakot na daan sa aming bayan, kung saan napapaligiran ito ng matataas na puno at karaniwang madilim dahil sa mga sira-sira at pundidong streetlights.
Nang kami ay papasok na sa daang ito ay masaya pa din kaming nagkwe-kwentuhan at pinipilit huwag ipakita ang nerbyos at takot sa lugar dahil sa mga usap-usapan na din ng mga taong-bayan.
Sa aming pagku-kuwentuhan ay biglang umihip ang malakas na hangin na naging dahilan ng pagkasira ng payong ko at pagkalipad ng payong na dala nila. Kasabay ng malakas na hangin na ito ay ang pagdaan sa harapan namin, mga sampung hakbang ang layo ng isang imahe ng babae na lumulutang sa hangin patawid sa kabilang gilid ng kalsada. Hindi ako maaaring magkamali, isa itong damit pangkasal. Wala itong Ulo , kamay at paa, damit lamang ito na dala-dala ng hangin na may kabagalang tumatawid sa aming harapan. Ito ay nagmula sa puno ng Nara sa may lumang Day Care Center na tatawid patungo sa gilid ng rice mill hanggang naglaho sa kakahuyan.
Ganun na lamang ang takot na aking naramdaman ng sandaling iyon at nagtanong sa aking mga kasama kung nakita nila ang nakita ko, ngunit ang mga taong aking inaasahang kasama pa ay nagtakbuhan na pala pabalik sa daan patungong barangay nila at naiwanan akong nag iisa.
Dahil sa takot na aking nadarama at nag iisa lang ako ay ipinikit ko ang aking mga mata at walang anu-anong tumakbo ng matulin papunta sa aming barangay.
Tumatakbong nakapikit at nagsisi-sigaw ng malakas. Hindi alintana kung madadapa o kung mahuhulog na sa kanal nsa gilid ng kalsada. Saklolooo!! Tulungan nyo ako!! Ang sigaw ko habang tumatakbo ng mabilis. Hanggang sa nakakita ako ng liwanag at ingay habang ako ay nakapikit at dali-daling nagmulat. Isang paparating na motor ang nakita ko at pinara. Isang barangay tanod, nakiusap ako na ihatid ako sa bahay at inabutan ko na lang ng pang gas kahit ayaw niyang tanggapin. (Siguro nagtataka kayo kung bakit di ako nagtext at call sa bahay para magpasundo? Simple lang, wala pa akong cp nun at 3rd year high school nako nagkaroon hahhaa.)
Nang nasa bahay nako ay takot pa din na baka biglang lumitaw ulit ang nakita namin kaya derecho ako sa kwarto ko at natulog na agad. Walang ligo-ligo at toothbrush kahit nabasa ng ambon. Derecho sa kama at nagtalakbong ng kumot. Pinilit kong makatulog ng gabing yon.
Kinabukasan, pagpasok ko sa School, hinanap ko na agad ang dalawa kong kaklase para kamustahin. Malayo pa lamang ako ay pinagtatawanan na nila ako, kaya ako ay natawa na lang din habang papalapit sa kanila at masayang nakipag kwentuhan at kamustahan tungkol sa nangyare samin na hinding hindi namin makakalimutan hanggang kami ay nabubuhay pa.
End... #GEMINI - Marky, Gemini
This is a fictional and not true. Credits to the photo owners. Want to know more? Please send us an email.
Comments